Tinig.com blog

Isang blog para sa mga kaTinig.

miércoles, noviembre 17, 2004

Hacienda Luisita

Sa tamis ng bawat iluwal mong butil ng asukal ay pait ng luha't pawis ng sakada't manggagawa na nilalamon ng kagutuman. Sa bawat pakikibaka alang-alang sa buhay ng mga nagbubungkal ng iyong lupa ay may paghingang pinuputol ng mga punlo sa ibabaw ng iyong nabubundat na tiyan. Hacienda Luisita, saanman ibaling ang mga mata ay mukha mong nakangisi ang natatanaw: nakikita ko sa iyong mga pinaslang na welgista ang mga ibinuwal na sakada ng Escalante at mga itinumbang magsasaka sa Mendiola. Magpista ka, Hacienda Luisita, sa tamis ng dugo ng mga binaklasan ng buhay nang dahil sa paggigiit ng karapatang mabuhay. Ngunit mangilabot ka, pagkat wala pang nakapagbubuwal at walang makapagbubuwal sa Bundok Arayat!