Tinig.com blog

Isang blog para sa mga kaTinig.

jueves, junio 24, 2004

Hindi Nakapagtataka

I Bawat patak ng pawis ni Ka Linong tumulo sa pinapasukang pabrika ay kalansing ng ginto sa sako ng dayuhang kumpanya, ngunit sa bawat matapos na araw ay baryang parang limos lang ang naiuuwi niya. II Bawat punlang itanim ni Ka Selo ay luntiang gintong inaani ng propitaryong sumososyo sa banyagang negosyante, habang ang kanyang kinakain ay sindami ng kangkong sa tuyong lupa. III At pagtatakhan pa ba na ang kanilang martilyo't asarol ay naging mga baril? Magtaka ay parang pagkagulat na ang araw pala ay maliwanag.

miércoles, junio 23, 2004

Kapatid Ka ng Aming Bayan, Iraq

Iraq! Iraq! Inilimbag sa dugo ang pagkakapatiran ninyo ng aming bayan. Ang laya mo'y gapos na gintong tanikalang bitbit ng mga tagapagligtas sa atas ni Tiyo Samuel-- ganyan ang aming kasarinlan. Ilang inosenteng buhay ang pinatid sa Balangiga't Falluja? Ilang bilanggo ang binuhusan ng dahas sa Fort Santiago at Abu Ghraib? At lahat nito'y sa ngalan daw ng ating paglaya. Ngunit magkapatid nga ang aming bayan at ikaw, Iraq. Tinutunaw sa ating mga bundok at lansangan ang huwad na kalayaang sa ati'y aginaldo ng imperyong itinindig ng pagkagahaman.

jueves, junio 17, 2004

Sa Bawat Buhay na Maglaho sa Mindanao

Naliligo ang Mindanao sa dugo ng mga taong binitay sa salang paghahangad na mamuhay nang hindi katulad ng mga hayop. Sa Malacañang at sa Kampo Aguinaldo, may mga naglalako sa White House ng dugong walang-patid ang pag-agos sa Mindanao. May bahagi nating pinapaslang sa bawat buhay na maglaho roon. Tayo na't sa ating mga diwa't puso ay ipagtanim ng makataong buhay ang mga kapatid natin sa Mindanao.

miércoles, junio 16, 2004

Monochromecrystals and Wordpress

Gusto ko lang sabihing WordPress na ang gamit ko sa pag-a-update ng aking weblog. Nakakuha kasi ako ng 150mb ad-less free space, at dahil pre-installed na ang Wordpress sa aking account kaya naman sinubukan ko. Noong una ay nahirapan akong intindihin lahat pero ayos na naman ang aking blog. Binura ko ang ilang mga entries kaya ang orihinal na bilang ng entries (308) ay nabawasan. Karamihan sa mga binura ko ay iyong mga bandang Oktubre-Disyembre 2003. Kumusta nga pala kayong lahat? :)

lunes, junio 14, 2004

Mahiwagang Sabon

Salamat sa inyong mahiwagang sabon, at ang mga dukha'y maaaring magkutis-mayaman. Sa kutis man lamang ay mapapantayan ng mga dukha silang karamiha'y kaya lang maputi ay pagkat kayraming nagtitiis ng pagngangalit ng araw para sa kanila. Di man ninyo sinasabi'y sinasabi na rin ninyo na pangit ang mga kutis nilang nagbibilad sa araw upang ipag-ani ang mga hindi man lamang nakakalabit ng kahit isang sinag ng araw sa bukid. Kaya't salamat sa inyong mahiwagang sabon, at ang mga dukha'y maaaring magkutis-mayaman. Ngunit hindi hanggang diyan lamang ang pagkakapantay, at hindi ito mahahabi sa mabangong katahimikan ng isang banyo. Ito'y iaanak ng magkasamang himagsik ng kabunduka't lansangan!

viernes, junio 11, 2004

Gmail!

May mga GMail accounts na ang patnugutan at ang mismong Tinig.com: tinigdotcom [at] gmail [dot] com.

miércoles, junio 02, 2004

Sa Ganitong Panaho'y Huwag Magtutulog

Napanood mo na ba ang bagong balita? Sirena't tikbalang sa karnabal, sila po'y ikinasal. Ganyan ang laging pangunahing balita ngayon. Hindi nawawala ang mga tagapagbalita, ngunit kadalasa'y walang balita. Sa ganitong panaho'y huwag magtutulog: malamang sa hindi'y may pinagagalang diyablo ang mga humahawak ng setro.

martes, junio 01, 2004

Tinig.com v38

May bagong isyu ang Tinig.com. Asteeg talaga kayo, Aris at Alex! Nga pala, bisitahin n'yo rin sana ang bagong wireless journal ko sa www.ederic.tk.