Tinig.com blog

Isang blog para sa mga kaTinig.

viernes, mayo 28, 2004

Ang Lihim ni Madam Gloria

Ni Joi Barrios Congress of Teachers/Educators for Nationalism and Democracy - Alliance of Concerned Teachers Ang akala ng lahat May layang magpahayag, Ngunit tayo lang ay nalingat May batas nang di mapaliwanag. (Mayroon nga ba talaga? Tiyak na tiyak?) May estasyon sa telebisyon, Bawal magbilang ng resulta ng eleksiyon, May pahayagang waring pinagbawalan Tumanggap ng adbertisment ng kalaban. Tanging ang Madam at kanyang mga katuwang, Ang sa bolang kristal ay may tangan-tangan. Gloria Gloria salamangkera. Pinagbubuhol na parang panyo ang balota, Paghugot sa sumbrerong mahiwaga, Lilipad ang kalapating may dalang korona. Dali-daling ipuputong sa salamangkerang reyna. Mga kababayan, magbantay, mangamba. Walang demokrasya hanggat may pandaraya. Walang kalayaan hanggat bawal magsalita. Lumabas sa dilim, Hiwaga ng salamangka ay itakwil. Taumbayan ang siyang dapat na mangusap. Taumbayan ang mananaig nang higit sa lahat, Tayo ang taumbayan, at nasa atin ang lakas! Ika-24 ng Mayo 2004 Dr. Joi Barrios, cultural committee head of the Congress of Teachers/Educators for Nationalism and Democracy, UP chapter (CONTEND-UP). CONTEND is a member-organization of the Alliance of Concerned Teachers (ACT).

EB ngayong Linggo

May kitaan tayo ngayong Linggo, Mayo 30, ng hapon. Gaganapin ito sa UP Diliman campus. Abangan ang eksaktong detalye sa e-group.

jueves, mayo 27, 2004

Malilinis at Malilinis ang Banga

Wala kang damit, Kamahal-mahalang Emperatris. Nagtatago ka sa ilalim ng damit na habi sa hanging sinulid: di pa rin maikakaila ang iyong kahubaran. Ang iyong paglapastangan sa hatol ng bayan ay parang bulok na karne ng baboy na isinilid sa banga: isinisigaw ng alingasaw na nasa tabi-tabi lamang ang kubling kabulukan. Malilinis at malilinis ang banga, Mahal na Emperatris. Mene thecel phares.

miércoles, mayo 26, 2004

Kumusta, mga kuya at ate kong ka-Tinig!

Hay, sa wakas at nakapagpost narin ako dito sa blog ng Tinig.Com. Sa ngayon ay medyo abala ang inyong lingkod sa pagsusulat at sana ay maipasa ko na ito sa susunod na isyu. Naalala ko lang na malapit na ang aking kaarawan, at tila kailan lang noong nabuo ang Tinig. Isa ako sa mga naunang sumuporta sa planong ito ni Kuya Ederic. Ang masasabi ko lang ay nagabayan ng Tinig ang aking paglaki: namulat ang aking mga mata at isipan sa tunay na nangyayari sa aking paligid. At ngayong malapit nang maging legal ang aking edad ay alam kong patuloy parin akong magiging aktibo sa pagsusulat habang nag-aantay ako sa mga bagong posibilidad na mangyayari sa aking buhay. Mag-iingat kayong lahat at magandang gab mula dito sa lungsod ng Winnipeg, probinsiya ng Manitoba sa bansang Canada. :)

Kalatas kay Nick Berg

Ang mga pumugot sa iyong ulo ay di silang kumitil ng iyong buhay. Ang mga pumaslang sa iyo ay silang tagapamandila niyaong digmaan ng kahayukan sa "itim na gintong" ipinagbubuntis ng Iraq. Sanlaksa man ng lahat ng dugo sa daigdig ang ibubo nila, kung kapalit ang pagbaha ng "itim na ginto" sa Wall Street ay ano sa kanila? May tanging puwang na laan sa kanila sa yungib ng Impiyerno. Bakit di pa sila saklutin ni Satanas ngayon pa lamang?

martes, mayo 25, 2004

May blog na tayo, mga kaTinig!

Mayroon na tayong eGroup, Forums, Tinigtxt, at ngayon, may blog na rin. Maliit na grupo man tayo, sigurado naman akong lahat tayo'y de-kalidad na mga miyembro ng Tinig.com: mga Pilipinong nagsusulat, nagpapahayag, nakikisangkot. Ang mga ganitong venue sa Internet ay lalo sanang makapagbuklod sa ating lahat, lalo na sa panahong itong kailangan ng bansa ang mga kabataang may pakialam. Mabuhay ang mga kasama sa Tinig.com!

Ang Tinig.com

Isang e-zine para sa mga kabataang Pilipino ang Tinig.com. Naglalaman ito ng mga personal essays, lathalain, tula, maikling kuwento, at komentaryo tungkol pambansang usapin na sinulat ng mga kabataang Pilipino. Layunin nitong: Maging venue for free expression kung saan maipapahayag ang sentiments ng mga kabataang Pilipino sa iba't ibang usapin; Mahikayat ang mga kabataan na mag-share ng kanilang mga kaalaman, karanasan at opinyon; Maisulong ang makabayang kaisipan; Manawagan ng pagkilos sa mga partikular na usapin; Maisulong ang pagsusulat at pagbabasa lalo na ng Panitikang Pilipino; at Makatulong sa mga kabataan sa pagbubuo ng informed opinion. Mababasa ng mga site visitors ng Tinig.com ang mga opinyon at personal essays ng mga contributor tungkol sa maraming mga usapin, maging personal man o panlipunan. Parehong ginagamit ang mga wikang Filipino at English. Karamihan sa mga patnugot at contributor ng Tinig.com ay mga kabataang manunulat, peryodista, aktibista, at lider mag-aaral, ngunit bukas ang imbitasyong magsulat para sa lahat ng may nais ipahayag.

Ang Tinig.com Blog

Isang group blog para sa mga kasapi ng Tinig.com. Dito maaaring magkuwento, mag-angas, magsumbong, mag-senti, at magpraktis ng pagsusulat.